Himagsik Laban sa Hidwang Pananampalataya
Ikalawang Himagsik: Himagsik Laban sa Hidwang Pananampalataya
Ni: Crystal Mae G. Banias
Ang himagsik na ito ay isa
sa mga ipinahiwatig ni Francisco Balagtas sa kanyang akdang Florante at Laura.
Tumatalakay ito sa pagtaliwas ni Balagtas mula sa usapin noon na ang mga Moro
ay masasama o taksil. Tumatalakay din ito sa pag-aaway away ng mga Moro at
Kristiyano na noon ay karaniwan na.
Hindi katulad ngayon na mayroon tayo ng
kalayaan sa ating pananampalataya, sa panahon ng Espanyol noon, iisa lamang and
turing at kapangyarihan ng pamahalaan at simbahan kahit ito'y magkaiba sa
salita. Kung kaya, ang lahat na sinasakupan ng mga Kastila noon ay may iisang
relihiyon, ang Iglesya Apostolika Romana na siyang kinikilala ng pamahalaang religion
official del estado.
Iglesya Apostolika Romana: mas kinikilala na ngayong Roman
Catholic Apostolic Church , na kilala sa mga bansa na nagsasalita
ng Espanyol bilang Simbahang
Katoliko o sa pamamagitan ng sarili nitong mga tagasunod bilang Simbahan , ay isa sa
pakikipag-isa sa Pope , Obispo ng Roma.
Dahil dito, anumang inilimbag
na babasahin ay hindi maaaring kumalat kung hindi muna ito dumaan sa Censura.
Ang Commision Permanente de Censura ay siyang nagsusuri ng mga aklat,
pahayagan, at iba pang babasahin na sumusigurado na walang anumang paglalaban
sa Kastila bago ito ipakalat o basahin ng iba.
Grabe ang higpit noon ng
simbahan at pamahalaan sa Commission Permanente de Censura kung kaya ang ating magagaling
na mga makata o manunulat ay takot magpalabas o sumulat ng mga aklat o anumang
babasahing hindi tungkol sa pananampalataya.
Ang mga awit, korido, at
komedya ay napapabilang din sa mga librong babasahin o mga palabas, at kailanma’y
hindi mawawala ang labanan ng mga Moro at Kristiyano. Kailanma’y sa mga
panonooring ito, hindi pinapakita na ang mga Moro ay mas mabuti pa kaysa sa mga
Kristiyano. Madalas din dito usaping binyagan at di-binyagan, na palaging mga
Kristiyano ang nanalo at mga Moro ang natatalo sa mga labanan. Ang mga binyagan
ay kinikilala noon na mga katangkilik ng Diyos, ngunit ang mga ‘di naman
biyagan ay mga kampon ng demonyo. Dahil laging mga Kristiyano lamang ang mga
nabinyagan at hindi mga Moro, madalas marinig noon ang mga paring propesor na
nagsasabing “el moro bueno es el muerto”
na ibig sabihin: ang mabuting moro ay ang patay.
Ngunit kahit ganito man ang
turing ng mga Kastila sa mga kababayan natin
doon sa Mindanao na mga Moro, matapang silang lumaban sa mga Kastila upang
ibaka ang kanilang pananampalataya. Ni hindi nila kayang sumuko at sumunod sa
mga tradisyon ng Kristiyano, hindi katulad ng iba nating kapwa sa Luzon at sa
Visayas. Ngunit ang mga Moro noon ay kinikilalang mga masasama at palaging
taksil. Datapwat, imbes na sumunod sa
mga paniniwala, si Balagtas ay umiba na ng daan ng pagkukuro.
Sinalungat ni Balagtas ang
palagay na ang mga Moro ay hindi gumagawa ng kabutihan, na hindi nakakilala ng
Panginoon, na ang Moro'y walang puso, na walang batas ng kagandahang asal, na
palaging traidor. Ipinakilala ni Balagtas ang mga kasamaang ito na hindi lamang
sa mga Moro ito makikita, ngunit taglay rin ito at karaniwan pang ginagawa ng
mga Kristiyano, na ang magkakapwa Kristiyano man ay nagpipintasan din,
nagtataksilan at nagpapatayang madalas.
Makikita sa Florante
at Laura na sina Haring Linceo at anak nitong si Prinsesa Laura, sina Duke
Briseo at anak nitong si Florante, at si Konde Adolfo na kababayan din ni
Florante ay pare-parehong mga Kristiyano, ngunit sila-sila rin ang
nagtataksilan. Ipinapakita dito na inagaw ni Adolfo ang kaharian at korona ni
Haring Linceo, pati na rin si Duke Briseo, at pinatay niya pa ang mga ito.
Ipinagapos din ni Adolfo si Florante nang walang awa upang makuha ang
kasintahan nitong si Laura. Idinagdag pa rito ni Balagtas ang kabutihang ginawa
ng Morong si Aladin na siyang nagligtas kay Florante mula sa dalawang leon at
mula rin sa pagkagapos, at ang Morang si Flerida na siyang pumana at pumatay
Kay Adolfo na siyang muntik nang gumahasa sa dalagang si Laura.
Ipinapakita ng dalawang
Moro’t Mora ang “ley natural” o batas
ng katalagahan sa pagsasamahan at pagmamahalan ng magkakapuwa-tao.
Ley Natural o ang natural na batas ay kung ano ang
nalalaman ng mga tao, sa pamamagitan ng dahilan. Ito ay kung ano ang
maabot ng dahilan nang walang tulong sa pananampalataya. Ang natural na
batas ay ang paglahok ng
nakapangangatwiran na nilalang sa walang hanggang batas " - Sto. Thomas Aquinas ; Summa Theologica, 1a, 2ae,
quest. 91, art.2.
Ang ibig sabihin nito
ay kahit hindi ka man isang Kristiyano ay maaari ka pa ring makagawa ng
kabutihan gaya ng pagligtas sa kapwa na nasa kapahamakan. Hindi na rin kinakailangan
pa ng tagapaglitas na suriin muna kung ang nasa peligro ay kalipi o hindi,
kaibigan o kaaway, kapwa man binyagan o hindi.
Ikinuha sa:
- Iglesia Católica Apostólica Romana. (n.d.). Ikinuha noong May 11, 2018, mula sa https://es.orthodoxwiki.org/Iglesia_Católica_Apostólica_Romana
- Ley natural. (n.d.). Ikinuha noong May 11, 2018, mula sa http://www.corazones.org/diccionario/ley_natural.htm
- Santos, L. K. (2016). Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas at Ibá pang Sanaysay (V. S. Almario & R. T. Glory, Eds.). Ikinuha noong May 11, 2018, mula sa http://kwf.gov.ph/wp-content/uploads/2016/11/Apat-na-Himagsik-ni-Balagtas.pdf
Comments
Post a Comment