Himagsik ni Balagtas sa Florante at Laura


Ikalawang Himagsik: Himagsik Laban sa Hidwang Pananampalataya

Ni: Crystal Mae G. Banias


        Ang himagsik na ito ay isa sa mga ipinahiwatig ni Francisco Balagtas sa kanyang akdang Florante at Laura. Tumatalakay ito sa pagtaliwas ni Balagtas mula sa usapin noon na ang mga Moro ay masasama o taksil. Tumatalakay din ito sa pag-aaway away ng mga Moro at Kristiyano na noon ay karaniwan na.
        Sa panahon ng Espanyol noon, iisa lamang and turing at kapangyarihan ng pamahalaan at simbahan kahit ito'y magkaiba sa salita. Kung kaya, ang lahat na sinasakupan ng mga Kastila noon ay may iisang relihiyon, ang religion official del estado. Ngunit may mga kababayan tayo doon sa Mindanao na mga Moro na matapang na lumaban sa mga Kastila upang ibaka ang kanilang pananampalataya. Ni hindi nila kayang sumuko at sumunod sa mga tradisyon ng Kristiyano. Dahil doon, gumawa ang mga Kastila ng pawang tradisyon na ang hindi magpabinyag bilang Kristiyano ay maituturing na anak ng mga demonyo. Pinaniwalaan naman ito kaagad ng lahat kaya tumatak sa isip nila na ang mga Moro, na hindi nagpabinyag, ay mga masasama at walang loob. Ngunit imbes na sumunod sa mga paniniwala, si Balagtas ay umiba na ng daan ng pagkukuro.
        Sinalungat ni Balagtas ang palagay na ang mga Moro ay hindi gumagawa ng kabutihan, na hindi nakakilala ng Panginoon, na ang Moro'y walang puso, na walang batas ng kagandahang asal, na palaging traidor. Ipinakilala ni Balagtas ang mga kasamaang ito na hindi lamang sa mga Moro ito makikita, ngunit taglay rin ito at karaniwan pang ginagawa ng mga Kristiyano, na ang magkakapwa Kristiyano man ay nagpipintasan din, nagtataksilan at nagpapatayang madalas.
        Makikita sa Florante at Laura na sina Haring Linceo at anak nitong si Prinsesa Laura, sina Duke Briseo at anak nitong si Florante, at si Konde Adolfo na kababayan din ni Florante ay pare-parehong mga Kristiyano, ngunit sila-sila rin ang nagtataksilan. Ipinapakita dito na inagaw ni Adolfo ang kaharian at korona ni Haring Linceo, pati na rin si Duke Briseo, at pinatay niya pa ang mga ito. Ipinagapos din ni Adolfo si Florante nang walang awa upang makuha ang kasintahan nitong si Laura. Idinagdag pa rito ni Balagtas ang kabutihang ginawa ng Morong si Aladin na siyang nagligtas kay Florante mula sa dalawang leon at mula rin sa pagkagapos, at ang Morang si Flerida na siyang pumana at pumatay Kay Adolfo na siyang muntik nang gumahasa sa dalagang si Laura.
        Ipinakita lamang ng dalawang Moro at Mora na kahit hindi ka man isang Kristiyano ay maaari ka pa ring makagawa ng kabutihan gaya ng pagligtas sa kapwa na nasa kapahamakan. Ang ibig sabihin nito ay hindi na kinakailangan pa ng tagapaglitas na suriin muna kung ang nasa peligro ay kalipi o hindi, kaibigan o kaaway, kapwa man binyagan o hindi.

Comments

Post a Comment

Popular Posts